Thursday, June 4, 2009

KABANATA 2: REBYU NG MGA KAUGNAY AT LETERATURA

      Pinagsikapan ng mga mananaliksik na makapagbasa ng mga di-nailathalang tesis, aklat, pahayagan, polyeto, magasin, at iba pang lathalain na may kaugnay sa pag-aaral. Nagsuri din at nagsaliksik sa Aklatan ng Pamantasan ng Cabuyao, at sa Aklatan ng Laguna College of Business and Arts at sa iba pang aklatan. Sa mga nabasa, napatunayang may kaugnayan ang lahat ng mga datos na nakuha sa pag-aaral sa lokal at mga literature na galing maging sa labas ng bansa ukol sa pasalitang pagbasa.

A. DAYUHANG LITERATURA

      Ayon kay Smith (1998:35) may katangian ang pagsasaulong puspusan sa mga letra o listahan habang bumabasa. May relasyong dulot ito sa kasalukuyang pag-aaral sa dahilang ang pagkakaroon ng dating karanasan ang makakatulong upang mapadali ang pagkatuto sa pagbasa at ito ay binanggit sa kanyang pag-aaral.

     Ayon pa rin sa pag-aaral ni Smith (1997:39) ang pasalitang pagbasa ay napapaunlad sa pamamagitan ng magmomodelo ng guro. Ang mga pag-aaral na ito ay may dalawang eksperimento. 

     Ang una, may dalawang mag-aaral edad walo na pinababasa ng malakas ng walang fidbak o instruksyon. Ang pagmomodelo ay ang guro ang nagbabasa ng malakas mula sa aklat ng isang minuto habang ang mag-aarala ay nakikinig, pagkatapos ang mga mag-aaral ay pinababasa mula dalawang minuto hanggang tatlong minuto habang ang guro ay nakikinig ng tahimik. Hinahayaan ng guro na pabasahin ang mga mag-aaral ng malakas ng kanilang sarili lamang.

      Ang pangalawa, isang mag-aaral edad labindalawa na hindi masyadong marunong magbasa. Ang eksperimentong ito ay mayroong sangkap. Ang batayan ay modelo at “error correction”, magbalik-aral at follow-up. Ang batayan ng mga mag-aaral ay pinapabasa ng malakas ng guro ang mga bata ng isang kwento, mga limang minuto, na mula sa aklat at hindi winawasto ng guro. 

     Sa isinagawang pag-aaral ni Arabejo (2004:85) ang pagbasa ay isang makabuluhang paraan ng pagkilala, pagkuha ng ideya, at pagbibigay kahulugan sa mga simbolong nakalimbag at susing magbubukas ng damdamin, kaalaman, at kaisipang nalikom ng tao. Ang pagbasa ay may dalawang uri ayon sa kanyang pagsasagawa nito: una, ang tahimik na pagbasa na isisnasagawa sa pamamagitan ng mga mata: at ikalawa, oral o pasalitang pagbasa sa mga nakalimbag na titik at pagsasatinig nito upang maihatid sa tagapakinig ang mensahe ng may akda.

B. LOKAL NA LITERATURA

      Mula sa artikulong isinulat ni Gutierrez (1997:24), maraming pagkakataon ng napatunayan na ang mabisang pakikinig ay nagbubunga ng isang mabisang interaksyon sa pagpapalitan ng kuro-kuro. Mula rin sa mabisang pakikinig magkakaroon ng mabisang paakaunawa sa mga aralin lalong higit sa pagkatuto sa pagbasa ng mga bata. Sinang-ayunan ng mga mananaliksik ang sinabi ni Gutierrez, dahil sa kung hindi magkakaroon ng mabisang pakikinig ang mga bata ay hindi maganda ang magiging resulta ng paghahanda sa pagtuturo ng panimulang pagbasa at wastong pagsasalita ng wika.

      Sinabi ni Baguio (1995:433) na ang mabuting gawi sa pagabasa ay dapat malinang sa simula pa lamang ng pagbasa. Ang wastong kilos ng mga mata sa nakalimbag na pahina ay malilinang kung ang pagbasa ay itinuturo upang makita ang mga ideya. 

      Maging ang mga salita ay makatutulong sa paglinang sa mabuting gawi sa pagbasa lalo na sa maaliwalas na kapaligiran, kaya’t dapat sikapin ng guro na ang silid-aralan ay tutugon sa ganitong pangangailangan. Bukod sa mga pawawksi sa mga bagay na makatatawag ng atensyon mula sa aralin, maglalagay siya ng mga aklat sa kanyang tinuturuan.

      Ayon naman kay Santiago (2000:136) ang layunin sa pagtuturo ng pagbasa sa una at ikalawang baitang ay sumasaklaw sa paglinang ng mga kasanayan sa pagkilala at pag-unawa, sa ikatlo at ika-apat na baitang ay ang paglinang ng mabilisang kakayahan sa pagbasa na may sapat na pagkaunawa; sa ikalima at ika-anim na baitang ay ang paglinang ng palagiang kawilihan sa pagbasa sa lalong maunlad na antas ng kanilang kakayahan. Ang mga kwentong napaplob sa mga babsahing aklat sa bawat baitang ay dapat maiugnay o maibagay sa antas ng paglilinang ng mga mag-aaral tungo sa ikatatamo ng mga layunin.

C. DAYUHANG PAG-AARAL

        Marami ring mga pag-aaral ang naisagawa sa larangan ng pagbasa at ang magagawa nito sa buhay ng tao. 

      Isa na dito ay ang sinabi ni Aist at Mostow (2000:32) na nagpapaliwanag sa kabutihang makukuha sa pamamagitan ng pagbasa gaya ng pagkakaroon ng dagdag na kaalaman, mga ideya, mga mithiin, at mga pangyayari sa nakaraan.  

      Sa pamamagitan ng pagbasa, nararanasan ng bumabasa ang pagbabago sa kanyang kapaligiran, mula sa pangalan, sa komunidad patungo sa ibang daigdig. Ganito rin ang tinutukoy ni Carver (1994:413) nang sabihin niya na sa buhay ay dalawa ang magagawang layunin ng pagbasa: una, nagiging daan ito upang magkaroon ng malinis at maraming impormasyon, at pangalawa, upang matuwa at maligayahan ang isang tao sa pamamagitan ng pagbasa.

D. LOKAL NA PAG-AARAL 

      Sa ginawang pag-aaral ni Piscasio (1995:21) ang mga pagsasanay sa paglinang ng mga ksanayan sa pagbasa sa Filipino, kanyang natuklasan na ang kakayahan sa isang bagay ay hindi natatamo sa isang paraan lamang. Nangangailangan ito ng iba’t ibang pagsasanay upang ang kinakailangang kakayahan ay matamo ng mga bata. 

      Sa ginawang pag-aaral na ito na malaki nga ang tulong ng maagang kasanayan sa pagbasa subalit sa kasalukuyan nangangailangan pa rin ng mga makabagong teknik ukol dito na kailangang sundin at pagbatayan.

      Malaki nga ang nagagawang kabutihan ng kawilihan ng pagbasa ng isang tao. Kaya, napakahalagang malaman ng isang guro sa pagbasa ang mga paraan upang maituro niya ng mabisa ang mga aralin.

E. SINTESIS NG PAG-AARAL

      Katulad ng mga pag-aaral na isinagawa ni Carver (1994), sa pasalitang pagbasa ang pagsususring ito ay tumutukoy din sa iilang kamalian ng mga mag-aaral sa nasabing linya. Sa pagsusuri na isinagawa ni Santiago tinukoy niya ang mga layunin ng pagbabasa at ang mga kinakailangang sangkap upang matamo ang isang maayos na pagbabasa na siya ring mithiin ng pagsusuring ito.

       Sa kabilang banda, di tulad ng pag-aaral na isinagawa ni Baguio (1995), hindi binabanggit sa pag-aaral na ito ang kaugnayan ng kapaligiran sa pagbasang pasalita ng mga mag-aaral.

1 comment:

Anonymous said...

Thank you po.