Tuesday, August 25, 2009

Linggo ng Wika

Ang Linggo ng Wika ay ipinagdiriwang tuwing unang linggo ng Agosto kada taon sa Pilipinas. Sinasalamin ng selebrasyong ito ang kahalagahan ng Filipino bilang pambansang wika. Sa bawat taon, ang mga institusyong pang-edukasyon kagaya ng mga paaralan at unibersidad, at ang mga sangay ng pamahalaan, ay sama-samang nakikilahok sa iba’t ibang mga gawain tulad ng mga paligsahan sa pagsulat ng sanaysay, mga pagtatanghal, parada, at iba pang paraan nang pagpapakita ng paggamit ng wikang Filipino.

Kahalagahan ng Wika

“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.” Ito ang tanyag na katagang nagmula sa ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal na nagbibigay kahalagahan sa wika sa buhay ng isang tao. 

Ang wika ng isang bansa ay masasabing siyang kaluluwa na nagbibigay buhay dito. Ito ang nagsisilbing tulay na nagdurugtong sa mga kumunidad na naninirahan sa isang bansa. Sa pamamagitan ng wika, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang bawat tao. Higit sa lahat, nagsisilbi ito bilang ating pagkakakilanlan. Dahil dito ay nakikita ang iba’t ibang impluwensya sa bansa na siyang nakapagpabago at humulma sa pagkatao ng mga mamamayan. Samakatuwid, ang wika ay batayan ng natatanging kultura ng isang bansa. 


Kasaysayan

Noong ika-26 ng Marso 1946, nagpalabas si Pangulong Sergio OsmeƱa ng Proklamasyon Blg. 35, na nagtatalaga ng petsang mula ika-27 ng Marso hanggang ika-2 ng Abril bilang Linggo ng Wika. Noong ika-23 ng Setyembre 1955, iniutos naman ni Pangulong Ramon Magsaysay sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 186 na ang Linggo ng Wika ay ipagdiriwang mula ika-13 hanggang ika-19 ng Mayo. Ang pagbabago ng petsa ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika ay bilang paggunita sa kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon, ang tinaguriang “Ama ng Wikang Pambansa”. Dahil sa paglilipat na ito ng petsa ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika, naging imposible para sa mga estudyante at guro ang makilahok dito. 

Pagkatapos ng Himagsikan sa EDSA noong 1986, inilabas ni Pangulong Corazon Aquino ang Proklamasyon Blg. 19 noong ika-12 ng Agosto 1988, upang pagtibayin ang pagdedeklara ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika mula ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto kada taon. 

Upang higit pang pagtibayin ang mga naunang proklamasyon hinggil sa Linggo ng Wika, idineklara naman ni Pangulong Fidel V. Ramos ang buong buwan ng Agosto bilang Pambansang Buwan ng Wika sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 1041 noong ika-15 ng Enero, 1997. 

Sa kasalukuyan, ipinagdiriwang pa rin ang Linggo ng Wika at Buwan ng Wika sa Pilipinas. Opisyal itong nakatala sa listahan ng mga kultural na pagdiriwang sa bansa. 


Selebrasyon

Karaniwang ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika sa elementarya, sekundarya at kolehiyo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng palatuntunan, mga patimpalak sa paggawa ng tula, pagbigkas ng tula, pag-awit, pagsusulat ng maikling kwento at sanaysay, pagpupulong, at talakayan gamit ang wikang Filipino. Upang mapahalagahan ang sariling wika, nagkakaroon din ng mga patimpalak sa pagsusulat ng slogan, paggawa ng poster at marami pang aktibidad mula sa iba’t ibang munisipalidad.

No comments: