“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.” Ito ang mga tanyag na katagang nagmula sa ating pambansang bayani na si Gat. Jose P. Rizal na nagbibigay importansya sa kahalagahan ng wika sa buhay ng isang tao.
Ang wika ng isang bansa ay masasabi natin na kaluluwa ng isang bansa na siyang nagbibigay buhay dito. Ito ay nagsisilbing tulay na siyang nagdurugtong sa mga komunidad na naninirahan sa isang bansa. Sa pamamagitan nito, ang pagkakaisa at pagkakaunawaan sa bawat tao ay lalong yumayabong. Ito rin ang nagsisilbing susi ng ating pagkakakilanlan, sa pamamagitan nito, nakikilala ng ibang tao kung sino tayo.
Ang importansya upang lalong paunlarin at palawakin ang ating pambansang wika ay matagal nang binibigyang pansin ng mga namumuno sa ating bansa. Sa Pilipinas mayroon tayong higit sa isang daang klase na lengguahe na ginagamit mula Batanes hanggang Tawi-tawi, ngunit ang pambansang wikang “Filipino” pa rin ang siyang mas malimit na ginagamit at mas naiintidahan sa buong kapuluan.
Sa ating mayamang salita, madali nating makikita ang iba’t-ibang impluwensya na siyang nakapagbago at humulma sa pagkatao ng mga Filipino. Samakatwid ang wika rin ay maari ring maging batayan ng ating nakaraan at kultura.
Kaya ang “Buwan ng Wika” ang isa sa mga pagkakataon natin upang ito ay pagyabungin at ipagmalaki. Pagkakataon din ito upang iparating sa ating mga kababayan na ang ating pambansang wika ay hindi lamang para sa pakiki-pagkomunikasyon ngunit siya ring pundasyon ng ating pagkakakilanlan bilang isang indibidual at bilang isang bansa.
DEPED NEWS
No comments:
Post a Comment